Alaala ni Ka Rekka sa Pakikibaka Natin Ngayon
Hindi ko man nasilayan ang kasikhayan ni Ate Kal bilang aktibista, halos kilala ko na siya mula sa mga anekdota ng mga nagmamahal sa kanya.
Walang ibang nagbubuklod sa amin kun’di ang pagpupursigi ng pakikibakang ipinunla sa pagmamahal, na kailanman ay di kukupas mula sa ating pagpapatuloy.
Bago natin siya nakilala bilang Ka Rekka, siya si Kaliska Dominica Peralta, o Kal sa nakararami. Ipinanganak siya noong Agosto 1, 1990, panganay sa limang magkakapatid. Noon pa man ay palakaibigan na siya, na nahubog sa loob ng PAREF Woodrose, isang all-girls school. Ikinuwento ng mga naging kaklase niya roon na walang araw na hindi siya makakausap. Bukod sa kanyang gilas sa isports, tumatak din siya sa kanila bilang isang maaasahan at masiyahing lider estudyante.
Nabitbit niya ito nang pumasok siya sa University of the Philippines–Diliman noong 2008. Nagpakahusay siya sa kursong Bachelor of Arts in Film and Audiovisual Communication sa College of Mass Communication (CMC). Naging bahagi rin siya ng UP Women’s Softball Team, kasabay ng aktibong pamumuno sa STAND UP CMC at UP Cineastes’ Studio.
Katulad natin si Kal nang magsimula siyang kumilos. Namulat siya buhat ng kabi-kabilang malawakang protesta dahil sa budget cuts at student repression sa loob ng mga pamantasan noong 2010 at 2011. Sa pagtunghay at paglahok niya sa mga walkout patungong Mendiola, dito umusbong ang kanyang radicalization moment.
Mula rito, lumabas siya sa mga pasilyo ng UP Diliman at tangan ang walang-puwang na pagmamahal sa bayan ay nag-organisa ng kapwa estudyante at kabataan. Buong-loob niyang kinilala na hindi diploma o kurso ang katibayan ng pagkatuto, kundi ang pakikipamuhay sa masang api.
Dala ang angking husay sa pamumuno at pagpapakilos, bilang alagad ng midya ay bumuo siya ng mga dokumentaryong armas ng mga pinagsasamantalahang uri. Tampok sa isa rito ang kalagayan ng mga kabataan at maralitang lungsod sa Barangay Central, na pinahirapan ng demolisyon para sa komersyalisadong Quezon City Central Business District. Pinagyaman pa ang kanyang pagkilos ng paglubog niya sa mga sakada ng Hacienda Luisita upang isiwalat ang inhustisya roon at ipanawagan ang tunay na reporma sa lupa.
Ito rin ang pundasyon ng kanyang masigasig na pamumuno sa muling pagpapalakas ng hanay ng kabataan sa kanyang pamantasan. Mula sa pagiging League of ‘Five’ Students nang magsimula siya, lumawak ang kasapian ng LFS at kalaunan ay naging sandigan ng mga kampanyang estudyante noong panahon na iyon.
Hindi masosolusyunan ang UP dorm crisis at GE reforms kung wala ang dagundong ng protesta ng mga iskolar ng bayan. Inilapit din ni Kal sa mga estudyante ng CMC ang paggiit ng hustisya para sa mga biktima ng Ampatuan Massacre. Pinamunuan niya rin ang matagumpay na Lakbayan ng Pambansang Minorya, kampanyang pagpapatalsik kay Noynoy Aquino, at marami pang mga laban ng bayan.
Talagang maluluha si Kal sa layo ng inabot ng mga kampanyang masa at pag-unlad ng mga pagkilos, kahit biruin mang mababaw ang kanyang luha. Lahat ng ito ay buhay na patunay na masa ang magpapanday ng ating kinabukasan, at walang ibang pamamaraan ng pagbawi ng lakas kundi ang pagkilos nang may nag-uumapaw na pagmamahal at sakripisyo.
Kung tutuusin, mas madali kay Kal na maging mahusay na dokumentarista, guro, mamamahayag, o piliin ang anumang trabaho habang ipinagpapatuloy ang mga personal niyang adhikain. Sa kabila nito, pinili niyang iwan ang kumportableng buhay bilang si Ka Rekka, pulang mandirigma. Binagtas niya ang mga kabundukan, tangan ang mga aral ng pakikibaka upang pagsilbihan ang mga magsasaka at katutubong pinadarapa ng estado sa pangangamkam ng lupa, pambobomba, at pamamaslang.
Pinatunayan ng pakikibaka ni Ka Rekka ang kawastuhan ng sakripisyo at pagtangan ng armas buhat ng lumalalang pananamantala at pagpapahirap sa kapwa niya Pilipino. Ito ang pinakamataas na porma ng paglilingkod sa sambayanan na kaya niyang ialay, bilang isang lesbiyana, alagad ng midya, at aktibistang anti-imperyalista. Alam niyang marahas ang pagre-rebolusyon, pero gaya ng sinabi ng kanyang mga magulang: kung tunay na malaya ang lipunan, kailanman ay ‘di kinakailangang isakripisyo ang buhay ninuman para sa kaginhawaan ng mamamayan.
Sa lupang ninuno na rin siya pinaslang ng mga pwersa ng estado. Matapos dakpin at pahirapan, walang-laban siyang pinatay ng militar–na isang paglabag sa mga batas ng digma — sa Maramag, Bukidnon noong Abril 10. Daragdag siya sa listahan ng mga human rights violations na bumaha sa unang dalawang taon ni Marcos Jr sa Malacanang.
Maraming mga sanhi ng kamatayan ng isang tao; samantala, may sariling pamantayan ang estado sa paghirang ng isang bayani. Sa isang rehimeng labis ang pambabastos at pang-aalipusta sa mga katulad ni Ka Rekka at mga kapwa niya martir, ang tunay na bayani ay ipinunla ng pakikibaka, sinasaludo at ipinagpupunyagi ng sambayanan.
Magmumula sa ating pagluluksa ang pag-usbong ng mga bagong henerasyon ng aktibista, pinanday ng mga legasiya ng buhay ni Ka Rekka. Kasabay ng pagkahinog ng mga kondisyong mapagpakilos, marapat lamang na magsilbi ito sa muling pagpapalakas ng ating mga organisasyon. Hamon din sa atin ang tuwiran at makabuluhang pagwawasto upang buong-panig na harapin ang mga sigalot.
Hangga’t sinusupil ang mga katulad nina Ka Rekka, ang lipunang puno ng kahirapan, kamatayan, at sakripisyo ang siyang humuhubog sa marami pang mga kabataan na tanganan ang tawag ng panahon. Hindi kailanman matutumbasan ng estado ang mundo ng pakikibaka na espasyo para sa mga radikal at nagmamahal sa masa — higit na nagbubuklod sa amin, at sa naunang mga henerasyon, na pursigidong ipagpatuloy ang kanilang nasimulan.
✍️: Brell Lacerna, CEGP National Spokesperson
🎨: AJ Divinagracia