PAHAYAG NG PAKIKIISA NG CEGP SA UP SOLIDARIDAD LABAN SA RED-TAGGING NG NTF-ELCAC
Ang College Editors Guild of the Philippines ay nakikiisa sa mariing pagkondena ng UP Solidaridad at mga miyembrong publikasyon nito sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at sa walang habas nitong red-tagging.
Unang-una, ang pinakaresponsibilidad ng pamamahayag sa isang malayang bayan na may pinaiiral na banayad na demokrasya ay maghatid ng balitang totoo at palutangin ang mga isyung bumabagabag sa lipunan. Sa ilalim ng pasistang diktadurang rehimeng Duterte, nakita natin kung paano nito niyurakan ang kalayaan sa pagpapahayag at ang isang manipestasyon nito ay ang kapalpakan ng gobyerno sa pamamahala sa pandemya. Sa halip na magbigay ng kongkretong solusyon, nilihis nila ang atensyon ng publiko sa pag-atake sa midya, na siya ngayong mas kailangan ng taumbayan na makuha ang mahahalagang impormasyon. Ganoon na lamang ang takot nila kapagka unti-unti nang nahihinuha ng taumbayan ang tunay na layunin ng administrasyon: ang pabor ay palaging nasa itaas habang mailap para sa mahihirap.
Pangalawa, ang nararapat na tanong ay, bakit may sumasali sa armadong grupo? Hindi ba dahil sa pinangakong reporma sa lupa na simula’t sapul ay napapako? Hindi ba dahil sa lumalabis na kahirapan na siyang naging ugat ng marami pang problema ng bansa? Hindi ba dahil sa kakulangan ng mga nakaupong opisyal at sa pagsikil nila sa sinuman na lumalaban sa kanila? May isang kasabihan: kung maging batas ang kawalan ng hustisya, rebelyon ay nagiging tungkulin. Dahil sa puntong ito, nababatid namin ang kanilang pinanggagalingan.
Dama nila na pabagsak na ang kanilang mala-perpektong imahe na kay tagal na nilang binuo. Hindi na kayang pagtakpan pa ang mga depekto. Nagkakamali rin sila kapag iniisip nilang may panahon na yuyuko ang mga peryodista, kolumnista, at lahat ng mamamahayag.
Hindi sila nagpasindak noong panahon ng batas militar. Hindi sila nagpasindak noong minasaker ang mga kabaro nila sa Maguindanao higit sampung taon na ang nakalipas, at lalong hindi sila magpapasindak ngayon sa matinding pananakot ng gobyernong walang pagkilala sa karapatang pantao.
Batid ng mga mamamahayag pangkampus ang panganib ng red-tagging, ngunit hindi kailanman ito magpapasindak at magiging balakid para ipagpatuloy ang pagkukwento ng mga naratibo ng masang-api at pakikiisa sa kanilang laban.